Huwag Tayong Mag-alala

Text by Rheynalyn Altoveros

Read:

Mateo 6:31-33 (MBBTAG)

“Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, at ibibigay Niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.”

Reflect:

Marami nang beses na ipinakita ng Panginoon ang Kanyang katapatan sa Kanyang mga anak. Mula kina Adan at Eva, kay Noe, kay Moises, kay David, hanggang kay Jose na asawa ni Maria at sa mga alagad ni Kristo matapos ang pag-akyat Niya sa langit, naging tapat ang Panginoon sa mga taong Kanyang tinawag at sumunod sa Kanya. Hindi Niya pinabayaan ang sinuman. Sa halip, ibinigay Niya ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Sa kuwento na lamang ni David na hinirang upang mamuno sa Israel, makikita natin kung paano tinugunan ng Panginoon ang lahat ng kanyang pangangailangan. Sa simula pa lamang ng kanyang kwento, ginabayan na siya ng Panginoon at ipinagkaloob kung ano ang kailangan nya. Sino ang mag-aakalang limang makikinis na bato ang siyang magpapatumba sa higanteng si Goliat? Sa gitna ng inggit ni Saul kay David, paano niya nagawang magtagumpay? Paano niya naipanalo ang bawat labanan? Ito ay sapagkat kasama niya ang Panginoon at inuna niya kung ano ang nasa puso ng Panginoong kanyang pinaglilingkuran. Sa bawat pagpapahalaga na ibinigay ni David sa pagsunod sa kagustuhan at kalooban ng Panginoon sa kanyang buhay, naroon Siya upang ipagkaloob kay David kung ano man ang pangangailangan nito. 

Isa pang kuwento ng hindi matatawarang katapatan ng Panginoon ay sa buhay ni Moises. Mula nang siya ay tinawag upang alisin ang mga Israelita sa Ehipto at dalhin sa lupang pangako, makikita natin ang pagtugon ng Panginoon sa kanyang mga pangangilangan – mga bagay na hindi kayang gawin at ibigay ng tao lamang. Noong kailangan niya ng magsisilbing tagapagsalita niya, noong kailangan niya ng mga himala sa harapan ng Faraon, noong kailangan nila ng pagkain at tubig habang naglalakbay, sino ang nagbigay ng lahat ng ito? Ang Panginoon na kanyang sinunod at pinaglingkuran. Siya na tumawag sa Kanya ay hindi nagkulang sa pagbibigay ng anumang kailangan niya.

Ilan lamang ang kuwento nina Moises at David sa hindi mabilang na kuwento ng mga taong sumunod, nagbigay halaga sa kaharian ng Diyos, at pinagkalooban ng mga pangangailangan sa buhay. Makikita rin natin sa mga dakilang kwentong ito ang taos-pusong pagsunod ng mga lingkod ng Diyos. Sa gitna man ng digmaan at kahirapan, walang naging hadlang upang maisapamuhay nila ang kanilang pagtawag at ang kalooban ng Panginoon.

Respond:

Sa panahon ng pandemya, napakadaling mag-isip ng mga bagay na hindi makakatulong upang tayo ay maging mas matatag, upang tayo ay sumunod sa Kanyang pagtawag. Magulo. Walang kasiguraduhan kung ano ang mayroon bukas. Ngunit, kaibigan, pakinggan mo ang Salita ng Diyos. 

“Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.” (Mateo 6:34)

Hindi natin kailangang alalahanin ang ating kakainin at kung anumang bagay na kailangan upang mabuhay sapagkat hindi pa man tayo humihingi, alam na ng Panginoon ang mga pangangailangan natin. Mas pagtuunan natin ng pansin ang pagsunod sa Kanya, ang pamumuhay nang ayon sa Kanyang kalooban. At ang lahat ng ating pangangailangan ay siguradong matutugunan. Ginawa na Niya ito dati. Naging tapat Siya sa Kanyang mga anak, sa Kanyang mga tinawag. Ginagawa Niya din ito ngayon at gagawin Niya ito sa mga susunod pa. Manalig tayo sa Kanya. 

Rheyn is an agriculturist and an aspiring best-selling author. She lives in Bay, Laguna with her husband Pau and their little one, Fave. She currently works as a freelance writer but will be finishing her MS degree soon. She is passionate about seeing the youth surrendering their lives to Jesus and following His ways. What she likes most about the Word of God is the life and reality it carries, how it springs to life whenever she needs it.

AUTHOR: RHEYNALYN ALTOVEROS

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top