DNPAP

Devotional by Pia Rapusas

Basahin:

Isaiah 40:31 (MBB05)

Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.

Pagnilayan:

Habang sinusulat ko ito, kasalukuyang sinusubok ang buong mundo ng isang matinding pandemya. Dahil dito, maraming namatayan ng mahal sa buhay, may mga mental o emotional issues, o may pinagdaraanang malubhang sakit. Mayroon ding mga nawalan ng trabaho, nagkaproblema sa pera, may matinding lungkot dahil di nagkikita-kita ang pamilya, grabe ang takot na mahawa sa virus at marami pang iba. Pati tayong mga Kristiyano ay nakararanas ng mga ito. Gaya ng iba, tayo din ay napapagod at nanghihina.

Ngunit sa gitna ng pinagdadaanan natin, ginamit ng Panginoon ang buhay naming mag-asawa para bigyan ng pag-asa at ipahayag ang wagas Niyang pag-ibig sa mga tao. Totoong-totoo sa amin ang lyrics ng DNPAP: “Gamitin mo ang buhay ko para sa kaluwalhatian mo”.

Kaming mag-asawa ay naglilingkod sa Panginoon nang humigit 20 taon. Pitong taon kaming nanalangin na magkaroon ng anak. Taun-taon, iyan ang laman ng aming panalangin at prayer requests. Narinig ko din ang Lord na nangusap sa isang prayer time na bibigyan Niya kami ng anak na lalaki. Pinanghawakan namin ang pangako na iyon pero matindi din ang kaaway na pahinain ang aming loob palagi.

Sa isang iglap, dumating ang lockdown noong March 2020. Masaya nung una pero biglang napalitan ng takot dahil bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa puson. Ngunit sa gitna ng takot at pangamba ay dumating ang isang napakagandang balita na ako pala ay buntis! Praise God! Laking pagkamangha din namin dahil nung araw na nalaman ko na buntis ako ay ang araw din na manganganak ako. Labor pains na pala yung aking naranasan. Gulat na gulat kami dahil may nangyayari pala na ganoong sitwasyon. Di lang kami ang nagulat — pati buong mundo nagulantang!

Dahil sa kakaibang istorya namin ay na-feature kami sa halos lahat ng social media platforms. Dahil dito, nakapagbigay kami ng pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob. Naging daan ito upang maihayag namin ang labis na pag-ibig ng Panginoon sa lahat. Napakadami ang nag-message sa amin na ‘di namin kakilala na nagpapasalamat sa mga patotoo na ibinahagi namin. 

Binago din ng Panginoon ang buhay namin dahil naging “instant parents” kami pero damang-dama namin ang kasiguraduhan na Siya rin ang magbibigay ng buong suporta sa pagpapalaki kay baby. Sabi nga ng paborito kong linya sa DNPAP, “Kasama ka sa t’wina, lahat makakaya”.

Ibang klase talaga mag-sorpresa ang Panginoon. Napakatindi Niyang magmahal. Dumating sa panahon ng ECQ (kung kailan tila tumigil ang buong mundo), nagsimulang umikot ang buhay naming mag-asawa kay Isaiah David, ang gift at ang ipinangakong anak ng Panginoon sa amin. Dumating ang aming supling sa tamang panahon. ‘Di kami magsasawang ibahagi sa mundo itong kwentong ginawa Niya sa buhay namin! Tunay na tunay na Siya ang Diyos ng Pag-Asa at Pag-Ibig lalo na ngayong panahon.

Babaran:

DNPAP

Verse 1

Ako’y namamangha sa ‘Yo, Panginoon

Binago mo ang buhay ko, natapos ang unos

Di magbabago, Ikaw ang awit ko

Mahal Kita aking Diyos

Ikaw ang  buhay ko

Pre-Chorus

Ibinulong mo sa akin

Ako’y iyong tinatangi

Sa piling mo, Hesus, ako’y mahihimbing

Chorus

Ikaw, O Diyos, ang nagbangon sa akin

Ang ilaw sa aking dilim

Nadarama dalisay mong pag-ibig

Ikaw lamang ang aking sasambahin

Pagkat Ika’y natatangi

Ikaw ang Diyos ng pag-asa at pag-ibig

Verse 2

Di mangangamba, Ika’y kapiling na

Kasama ka sa twina

Lahat makakaya

Bridge

Minamahal Kita

Sinasamba Kita

Gamitin mo ang Buhay ko

Para sa Kaluwalhatian Mo

Tumugon:

Ikaw ba ngayon ay pinanghihinaan ng loob or may matinding problema? Nawawalan ka ba ng pag-asa na matupad pa ang iyong mga pangarap? Nakakaramdam na walang nagmamahal dahil mag-isa ka lang at malayo sa pamilya? 

Lumapit at kausapin mo lang ang Panginoon kahit nasaan ka mang lugar at sabihin mo sa Kanya ang lahat ng nararamdaman mo. Siya lang talaga ang makakatulong na ayusin ang buhay mo. Siya lang ang makapagbibigay ng kakaibang lakas para ipagpatuloy ang buhay. Wala ng iba.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top