Ilapit

Devotional by Jenny Villanueva

Basahin:

Psalm 63:1-3 (Magandang Balita Biblia)

1 O Diyos, ikaw ang aking  Diyos na lagi kong hinahanap; Ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad. Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. 2 Bayaan mong sa santuwaryo, sa lugar na dakong banal, Ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan. 3 Ang wagas na pag-ibig mo’y higit pa kaysa buhay, kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.

Pagnilayan:

Nararamdaman mo ba na may malaking parte sa buhay mo ang nawawala? Na kahit pilit mo itong pinupunuan ng mga bagay na sa tingin mo ay kukumpleto sayo, ramdam mo pa rin na may kulang? Na kahit anong yaman at kapangyarihan na mayroon ka ay hindi pa rin sapat para mapunan ang kawalang sa iyong puso. 

Kung ang sagot mo ay OO, isa lang ang solusyon diyan: ang paglapit sa Panginoon. Ang Panginoon lang ang tanging may kakayahan na pumuno ng kakulangan sa ating mga buhay. Siya ang tunay na lunas sa ating mga pinadadaan na parang wala nang katapusan. Ang kanyang pag-ibig ay sapat na at higit pa sa kahit anong yaman sa mundo. Lumapit ka sa Kanya dahil sa piling Niya ay mayroon kapayapaan, kapahingahan at kaligayahan.  

Ang kantang Ilapit ay naisulat ko habang ako ay bumababad sa presensya ng Panginoon. Noong gabing iyon, umuwi ako galing sa trabaho na nanghihinayang dahil hindi ako kasali sa mga na-promote. Kahit anong sikap at hirap ko ay parang wala pa ring nangyayari. Dahil sa tagal ng proseso at pag-aantay ko ng breakthrough ay hindi nawawala ang pag-aalinlangan ko na baka hindi na ako aangat dahil hindi naman talaga ako magaling. Sobrang abala ako sa pag-abot ng mga personal kong pangarap pero hirap na hirap ako at dahil dito, naisasakripisyo ko ang oras na inilaan ko para sa Panginoon. 

Alam ko na sa mga oras na yun, ang Panginoon lang ang kailangan ko kaya lumapit ako at umiyak sa kanya na parang batang nagsusumbong sa kanyang tatay. I can still remember how He comforted me that night. Ramdam na ramdam ko ang Kanyang presensya at labis na pagmamahal. Ramdam ko ang higpit ng Kanyang mga yakap maging ang Kanyang tinig ay naririnig ko rin. Sobrang lapit Niya sa akin. That night, He made me feel safe and sure about my future. Lahat ng pangamba ko ay nawala. Kung maari lang, ayaw ko nang matapos ang gabing iyon. Ayaw kong tumayo sa kinauupuan dahil ayaw kong maputol ang sandaling iyon. Nung mga oras na iyon. Wala na akong ibang gusto kundi ang manatiling malapit sa Kanya. Doon ko sinimulang isulat sa aking journal ang matindi kong pagnanais na mas mapalapit pa sa Panginoon at ang mga naisulat kong iyon ang bumuo sa kantang Ilapit

As you read Psalm 63, dalangin ko na kahit sa kabila ng lahat ng iyong mga pinagdadaanan, sa kalungkutan at kahirapan ay mas lumalim pa ang iyong pagnanais na mapalapit sa Panginoon.

Babaran:

Ilapit

Verse 1

Ako, O Diyos, ay Iyong iniibig

Kahit kailan ito’y ‘di magmamaliw

Kahit saan man magtungo, rinig ang ‘Yong puso

Verse 2

Ikaw lamang ang hanap-hanap ko

Kahit saan himig Mo’y inaawit

Ang buhay ko, ang puso ko’y laan lamang  sa ‘Yo

Chorus

Ilapit Mo ako 

Sa puso Mo, Panginoon ko

Akapin, manahan Ka

Sa akin, sa akin

Verse 3

Sa piling Mo, ligaya’y walang hanggan

Ang bukas ko ay puno ng pag-asa

Ang nais ko’y kasama Mo habang buhay

Bridge

Ako’y ‘di iiwan, pababayaan o bibitawan

Higpit ng ‘Yong yakap, haplos ng pag-iingat

‘Di bibitawan

Tumugon:

Pakiramdam mo ba ay malayo ang puso mo sa Panginoon ngayon? Kailan ka huling lumapit sa Panginoon? Kapatid, sa mga oras na ito, basahin mong muli at isapuso ang Psalm 63:1-3. Ito ang tamang oras para lumapit sa Kanya.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top