Kagalingang Dulot ng Pagsunod

Text by Roxanne Flores

Basahin:

Juan 5:1-8 (MBBTAG)

Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. 3 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [4 Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.]

5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”

7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”

8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.

Pagnilayan:

Hindi ba’t lahat tayo ay minsan nang naranasang mapilay? 

At hindi sa nangangahulungang tayo’y literal na nalumpo at naging baldado. Minsan ay sadyang nagiging napakahirap lamang para sa atin na kumilos o gumalaw. Tulad sa mga panahong ito na dulot ng pandemya–napakahirap kumilos, napakahirap gumalaw. Tila ba tayo’y napilay at nalumpo nang hindi natin inaasahan.

Pagtuunan natin ng pansin ang lalaking tatlumpu’t walong taon nang lumpo; tinanong siya ni Hesus kung nais ba niyang gumaling. Kung tayo ay tatanungin din ni Hesus, paano kaya tayo tutugon?

Kung tutuusin ay napakadali lamang na sumagot ng “oo”. Ngunit ang lalaking pilay ay sumagot ng, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.” 

Tila ba ninanais niyang kaawan siya ng Ginoo, upang tulungan siyang makalusong sa tubig at maging handa sa oras na bumaba ang isang anghel mula sa langit, at lumikha ng isang kamangha-manghang milagro. Sa isip ng pilay na lalaki, naroon sa tubig, sa pagdating ng isang anghel ang kanyang paggaling, ang kalunasan sa kanyang mga pasakit. 

Ngunit sa halip na tulungan ang lalaking pilay sa paraang gusto nito, ano ang ginawa ni Hesus? Siya ay nagbigay lamang ng isang napakasimpleng kautusan: “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 

At sa simpleng pagsunod ng lalaking pilay sa utos ni Hesus, nakamtan niya ang kanyang pinakaaasam na kagalingan.

Tumugon: 

Kaibigan, kung ikaw ang tatanungin, gusto mo rin bang gumaling?

Anuman ang ating karamdaman, kalungkutan, o kakulangan, walang ibang higit na nakaaalam ng lunas o kasagutan kundi ang Diyos na pinakamakapangyarihan. Minsan, lingid sa ating kaalaman, ang ating kagalingan ay hindi nagmumula sa lugar na gaya ng Bethzata o sa pagdating ng isang anghel.  

Kaibigan, maaring ang kagalingan na inaasam mo ay makakamtan lamang sa simpleng pagsunod sa salita ng ating Panginoon. Ano ang sinasabi Niya sa iyo?

Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.

Roxanne Flores is a licensed professional teacher and a storyteller who tries sometimes. Hands and feet currently in the Philippines, but her head and her heart are already out there exploring the nations. She’s always hungry—both for food and for God’s Word, so if you don’t find her working on her table, she’ll probably be in the kitchen, rummaging the fridge for some leftover food or a midnight snack. 

AUTHOR: ROXANNE FLORES

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top