Labis-Labis

Devotional by Verge Ascabano

Basahin:

Ephesians 3:17-19 (Pinoy Version)

17 Pinagpe-pray ko na lagi sanang nasa puso nyo si Christ dahil nagtitiwala kayo sa kanya. Prayer ko na sana pagmamahal ang gawin nyong ugat at pundasyon ng lahat ng gagawin nyo, 18 para malaman nyo, at ng lahat ng mga taong pinili ng Diyos yung lawak, haba, taas, at lalim ng pagmamahal ni Christ sa inyo. 19 Sana maintindihan nyo ang pagmamahal ni Christ kahit hindi yun kayang abutin ng isip ng tao, para mas makilala nyo pa kung sino talaga ang Diyos.

Pagnilayan:

Naranasan mo na bang sumakay ng bus pero na-realize mo na kulang na pala ang pera mo para sa pamasahe pauwi? Eh, yung bibili ka sana ng masarap na pang-lunch mo pero pagtingin mo sa wallet mo, kulang pala ang pera mo? O di kaya, yung pinagpuyatan at pinaghirapan nyo yung performance number nyo pero kinulang pa ring maabot ang 1st prize?

Mahirap maintindihan ang "labis-labis" kung ang alam mo lang ay ang "kulang". Paano mo nga naman fully ma-grasp yung lawak, haba, taas, at lalim ng love ni God kung ang alam mo lang ay yung love na hindi naman pala forever at iiwan ka lang din naman? (Wow, may hugot?) Paano mo maiintindihan ang labis-labis na pagmamahal ng Lord kung ang alam mo lang ay ang pagkukulang ng mga tao sa buhay mo?

"Sana maintindihan nyo ang pagmamahal ni Christ kahit hindi yun kayang abutin ng isip ng tao, para mas makilala nyo pa kung sino talaga ang Diyos." (Ephesians 3:19)

Hindi talaga kayang abutin ng ating mortal na isip ang pagmamahal ni God pero hindi ibig sabihin nito na hindi na natin ito pwedeng maranasan. Ang prayer ni apostle Paul ay maintindihan natin ito. Sinabi nya rin na pwede nating malaman ang lawak, haba, taas, at lalim ng pagmamahal ni Christ sa atin kapag ginawa nating ugat at pundasyon ng lahat ng gagawin natin ang pagmamahal (Ephesians 3:17b-18).

Love. Ito daw dapat ang una sa lahat. Ito dapat ang essence ng lahat ng ginagawa natin. At kapag nagawa natin ito, malalaman natin ang fullness ng love ni God.

Pero hindi rin natin maibibigay ang bagay na wala tayo. Nagagawa lang nating magmahal dahil una tayong minahal ng Diyos (1 John 4:19). 

Ang lahat ay nagsisimula sa Diyos. Siya ang Pag-ibig at mahal na mahal Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Tanggapin natin ang Kanyang pagmamahal at hayaan natin Siyang mahalin tayo nang walang humpay. Damhin natin ang walang-katapusang agos ng Kanyang pag-ibig at kabutihan. Ang prayer ko ay sana sa pamamagitan ng kantang Labis-Labis ay maranasan natin ang nag-uumapaw na pag-ibig at presensya ng Diyos.

Babaran:

Labis-Labis

Verse 1

Labis-labis at di nagkukulang

Pag-ibig Mo’y walang hangganan

Wala na akong hahanapin pa

Kundi ang Iyong banal na presensya

Chorus

Pinupuri Kita, O Diyos, aking Ama

Sinasamba Kita, napakabuti Mo

Ang tanging hangad ko ay ang presensya Mo

Makasama Kita magpakailanman

Verse 2

Umaapaw aking kagalakan

Damang-dama Iyong kabutihan

Wala na akong hahanapin pa

Kundi ang Iyong banal na presensya

Bridge

Napakabuti Mo

Ako'y Iyong tinanggap at binago

Ito ang tanging alay ko

Walang hanggang pasasalamat

Pasasalamatan Kita

Pagpupugay at pagsamba

Hanggang sa huling paghinga

Ikaw lamang, wala nang iba

Tumugon:

Sa paanong paraan mo nararanasan ang pagmamahal ni Christ sa ‘yo? Kaya mo bang i-describe kung gaano ka kamahal ni God? Tandaan natin na una Niya tayong minahal kaya naman ganun na lang din ang pagbibigay natin sa Kanya ng papuri at pasasalamat!

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top