Text by Mari Anjeli Crisanto
Read:
1 Corinto 13:1-13 (MBBTAG)
Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Reflect:
Kilala ang 1 Corinto 13 bilang Kabanata ng Pag-Ibig sa Bibliya. Madalas itong nababanggit at naibabahagi sa mga kasal o anibersaryo. Subalit ang mga salita na ito ay hindi lamang para sa mga mag-kasintahan o mag-asawa. Ang mga linya ni Pablo tungkol sa pag-ibig ay para sa ating lahat.
Kailangan natin ng pag-ibig sa lahat ng ginagawa natin. Sinabi nga ni Hesus na ang pinakadakilang utos ay ang ibigin ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili (Mateo 22:36-40).
Paano nga ba ang umibig o paano ang maging puno ng pag-ibig? Mababasa natin ito mula sa talata apat hanggang pito. Dito, inaanyayahan tayo na maging matiyaga, magkaroon ng mabuting loob, huwag maging maiinggitin, huwag maging mayabang, huwag maging magaspang ang pag-uugali, huwag maging makasarili, huwag maging magagalitin, at huwag magtanim ng sama ng loob sa ating kapwa. Inuutusan tayo na magpatawad, magtiwala, maging puno ng pag-asa, at magtiis hanggang wakas.
Napakadaling sabihin ngunit napakahirap na gawin. Bagama’t lahat ay maglalaho rin pero ang pag-ibig ay isa sa mga mananatili, kasama ang pag-asa at pananampalataya. Nawa’y maging puno tayo ng pag-ibig hanggang sa huli nating hininga.
Respond:
Saang aspeto ng buhay mo ang kulang pa ng pag-ibig? Kung nahihirapan kang magbigay ng pag-ibig, tandaan natin na kailangan muna nating tumanggap nito. Halina’t tanggapin natin ang pinakadakilang pag-ibig mula sa ating Diyos na ipinakita Niya sa pamamagitan ni Kristo. At sa ating pagtanggap, nawa’y maging puno tayo nito hanggang sa mag-umapaw pa tayo.
Mari Anjeli Crisanto currently resides in the Salad Bowl of the Philippines - La Trinidad, Benguet! She is a wife, a mom, a full-time educator, and a daughter of the King. She worships God through songs and scribbles. Words deeply impact her. This is why she loves God's Word because, more powerful than any other word, it can cut through us, transforming you and me.
AUTHOR: MARI ANJELI CRISANTO