Magpakatatag Ka

Text by Krisha Saliendra

Read:

s

Josue 1:1-3, 5, 7-9 (MMBTAG) 

1 Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, 2 “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. 3 Gaya ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. 

5 Walang makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. 

7 Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. 8 Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. 9 Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

Reflect:

Kung ikaw ay maglalahad ng salaysay tungkol sa buhay mo at ng iyong pamilya, paano mo ito sisimulan? Nagsimula ang Aklat ni Josue sa isang malungkot na balita kasabay ang isang panibagong hamon. Patay na ang lider ng mga Israelita na si Moises at si Josue ang inatasan na maging bagong lider nito. Tinawag ng Diyos si Josue hindi lang upang pamunuan ang isang bayan sa kanilang kinalalagyan kundi ang pamunuan ang pagtawid nito tungo sa Lupang Pangako. 

Ang pagpunta sa Lupang Pangako ay hindi naging madali sa mga Israelita. Sa loob ng apatnapung taon pagkaalis nila sa Ehipto, nanatili sila sa ilang dahil sa kawalan nila ng pananalig. At ngayon na natatanaw na nila ang lupaing ipinangako ng Diyos, haharapin nila ang panibagong hamon – ang pagtawid sa Ilog Jordan. Gayunpaman, hindi nagbibigay ang Diyos ng hamon na walang kalakip na pangako. Gaya ng sinabi Niya kay Moises, “ibinigay ko na sa iyo ang lahat ng lupaing iyong mararating.” (1:3)

Higit pa sa Lupang Pangako na ibibigay ng Diyos ay ang pangako na sasamahan Niya si Josue “gaya ng pagpatnubay niya kay Moises” (1:5) “saan man siya magpunta.” (1:9). Kung kaya naman, kung paanong nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula, nakatawid din sila sa Ilog Jordan sa biyaya at kapangyarihan ng Diyos. (Josue 3:14-17)

Bagama’t ang lahat ng tagumpay ay dahil sa kabutihan at biyaya ng Diyos, tayo ay may tungkulin na sundin ang Kanyang Kautusan (1:7). Tinawag ng Diyos si Josue hindi lamang upang pamunuan ang Kanyang bayan kundi upang siya ay paglingkuran. 

Bilang isang lider at lingkod, si Josue ay pinaalalahanan ng Diyos na maging matatag at malakas ang loob (1:7,9) kasabay ang isa pang pangako na magiging masagana at matagumpay ang kanyang pamumuhay kung patuloy niyang pagbubulay-bulayan ang Aklat ng Kautusan at susundin ang lahat ng nakasaad dito (1:8). 

Sinasabi sa Hebreo 3:17-18, “At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba’t sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba’t ang mga taong ayaw sumunod?” 

Respond:

Sa kabila ng maraming pagsubok na kinaharap ni Josue at ng bayang Israel, ang Aklat ni Josue ay tungkol sa kapahingahan na inihanda ng Diyos sa Lupang Pangako. Ang kapahingahang ito ay matatagpuan lamang sa Kanya at sa Kanyang mga Salita. Gaya ng sinasabi sa Hebreo 1:6,9, “Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya… Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos.” 

Paano tayo magiging matatag sa pagharap sa hamon ng buhay? May kapahingahan bang naghihintay sa ating mga pagpapagal? 

Pakinggan natin ang pagtawag ng Diyos at sundin ang Kanyang Salita na may kalakip na pangako. At kung ano mang pagsubok na iyong kinakaharap sa ngayon, tandaan mo ang bilin niya kay Josue at sa bawat isa sa atin: “Magpakatatag ka…Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo.” (1:9)

Growing up in Sunday School is the reason why Krisha decided to become a teacher. She has been teaching in Sunday School since she was 12 and six years ago, God allowed her to teach in a Christian school in Taguig. Her heart goes out for the young generation, that their ways will be made pure by the Word of God (Psalm 119:9), just as God has preserved her through His Word.

AUTHOR: Krisha Saliendra

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top