Devotional by Ven Castillo
Basahin:
2 Corinthians 3:17-18 (Pinoy Version)
17 Ngayon yung "Panginoon" na sinasabi dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, may kalayaan. 18 Walang takip ang mukha natin ngayon kaya nakikita sa ating lahat ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ang Espiritu ng Panginoon ang patuloy na bumabago sa atin, para mas maging maluwalhati pa tayo, at hanggang maging kagaya Nya tayo.
Pagnilayan:
Ang kalayaan siguro ang isa sa pinakamagandang biyaya ng Panginoon sa atin. Nilikha Niya tayo na may kalayaang makapag-isip, makapagdesisyon, makapagsalita at makagalaw. Nagagawa natin ang kahit anong gusto natin kung kailan natin ito gustong gawin. Bilang mga tao, nagagamit natin ang ating kalayaan sa mabuti man o masama.
Noong tayo ay tumanggap sa kaligtasang handog ng Panginoon Hesus, lagi nating naririnig o napag-uusapan ang 2 Corinthians 3:17-18. Lagi pa nga nating inaawit at isinisigaw ang “Where the Spirit of the Lord is, there is freedom!” Siguro, kagaya ko, habang kinakanta mo ang linyang ito, ang naiisip mo ay pinalaya ka ng Panginoon sa iyong mga kasalanan at ngayon pwede mo nang gawin ang lahat para sa Kanya.
Walang masama o mali sa kaisipang iyan pero ang verse na ito ay hindi lamang tungkol sa paglaya natin sa kasalanan, kundi ang pagkakaroon ng Panginoon ng kalayaang maging Hari at Diyos ng buong-buo sa ating buhay dahil binura na ni Hesus ang ating mga kasalanan. Dahil wala na ang sumpa ng kasalanan sa ating buhay, malaya nang makadadaloy ang Banal na Espiritu Santo sa atin.
Sa rebelasyong iyan nabuo ang kantang Malaya. Ngayong pinalaya na tayo ni Hesus sa ating mga kasalanan, wala nang balakid pa na hahadlang sa Kanya upang tuluyang pagharian ang ating buhay. Siya lang ang nagmamay-ari ng trono sa ating buhay. Sa patuloy na pagsuko natin sa kalayaang Siya rin naman ang nagbigay, binibigyan natin Siya ng pahintulot na gawin sa atin ang Kanyang mga hangarin, adhikain at naisin.
Nakamamanghang isipin na ang tunay na kalayaan na gusto ng Panginoon para sa atin ay mararanasan lamang natin sa taos-pusong pagsuko sa kagustuhan Niya, hindi ba? Ang kalayaang ibinabalik natin sa Panginoon ang tunay na babago sa atin. Dalangin ko na habang pinagninilay-nilayan mo ang 2 Corinthians 3:17-18 ay tunay na masabi mo sa ating Panginoon ang mga linyang ito:
“Heto ang puso, isip, at kaluluwa, O Diyos Ama, malayang-malaya ka.”
Babaran:
Malaya
Verse
Gawin Mo ang Iyong hangarin
Ayon sa kagustuhan Mo
Tuparin Mo ang Iyong adhikain
Gaya ng pangako Mo
Pre-Chorus
O Diyos Ama, sa Iyo umiikot ang kalawakan
Maghari Ka sa amin ng buong kalayaan
Chorus
Malaya Kang gawin
Ang bawat naisin Mo sa amin
Walang balakid
Walang pipigil
Sa Iyong mga kamay
O Diyos, malaya Kang gawin
Ang bawat mithiin Mo sa amin
Heto ang puso, isip, at kaluluwa
O Diyos Ama
Malayang-malaya Ka
Tumugon:
Malaya bang naghahari ang Panginoon sa lahat ng aspeto ng iyong buhay? May mga bahagi pa ba ng buhay mo ang hindi mo pa lubusang naisusuko sa Kanya? Halina’t dumulog sa Kanyang harap upangupuang ipakita Niya sa iyo kung anu-ano ang mga ito. Ipanalangin mo na bigyan ka Niya ng kalakasang maisuko ang mga ito sa Kanya upang Siya ay maghari sa iyo nang buong-buo at malayang-malaya.