Devotional by Tinay Crisanto
Basahin:
Ephesians 3:14-20 (Ang Salita ng Diyos)
14 Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
15 Sa Kanya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa. 16 Ito ay upang ayon sa kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian ay palakasin niya kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. 17 Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 18 Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo. 19 Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.
20 Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin. 21 Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.
Pagnilayan:
Kadalasan, madaling magbigay ng pasasalamat at papuri sa Panginoon sa mga panahong okay na okay tayo – during the best seasons of our lives at yung lubos ang Kanyang walang hanggang pagmamahal at biyaya. Pero kapag dumating na ang mga napakatinding hamon sa ating buhay, kasama pa ang dulot nitong sakit, hirap, at lungkot, dito na masusukat ang ating pananampalataya sa Kanya. Ang nag-iisang tanong ay: mananalig pa kaya tayo sa Kanya?
Sabi nga ng karamihan, “It’s easier said than done.” At four years old, namulat na ako sa realidad na ang buhay ay parang survival mode sa dami ng mga matitinding problema. And even until the time na tinanggap ko si Jesus as my Lord and Savior, di pa rin pala ako gumagradweyt sa mga mala-teleseryeng istorya ng buhay. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy lang akong kumakapit sa Diyos at naniniwala na ang lahat ay seasonal. Sinasabi ko lang lagi sa aking sarili, “Kaya ko ito. Lilipas din ito. Season lang.” Ngunit dumating ang isang araw na binigyan ako ng Lord ng isang matinding pagsubok na na-test ang spiritual foundation ko at, higit sa lahat, ang relationship ko sa Kanya. Pinalipas ko ang mga araw na hindi ko hinarap ang mga problemang dumating sakin para patunayan na kakayanin ko at lilipas din ito na tulad ng sinasabi ko. Pero habang tumatagal, mas lalo akong nahirapan. Pakiramdam kong pinabayaan na ako ng Diyos. Pakiramdam kong katapusan na ng lahat. Naubusan na ako ng pagmamahal at pananampalataya. Di ko na rin nakilala ang sarili ko – wala na akong gustong paniwalaan, wala na akong inaasahang pagbabago sa buhay ko. Wala na akong pag-asa. Hindi lang sa panandaliang panahon – pakiramdam ko na panghabang-buhay na ang naninirahang sakit, hirap, at kalungkutan sa aking isip, puso, at diwa.
Hanggang sa ‘di inaasahang pagkakataon, na-share sa akin ni Kuya Adrian ang kantang Para Sa ‘Yo. Sabi niya pakinggan ko ang demo. Lumipas ang mga ilang araw, hindi ko pa rin pinapakinggan ang kanta dahil nagdadalawang isip pa ako. Pero sa isang napaka ordinaryong araw at napakainit na tanghali, ang nagpaluha sa akin habang kumakain ako sa kusina ay ang naririnig sa loob ng apartment na kantang Para Sa ‘Yo na pinatugtog ng isa pa naming kapatid. Iyak ako nang iyak dahil dun ko napagtanto na hindi ko kailanman masusuri ang pagmamahal ng Panginoon sa paraang alam ko. Na kailanman ay mananatili ako sa Kanyang pag-ibig na higit pa sa karunungan at karaniwang pag-unawa na kinagisnan ko sa aking buhay-Kristiyano. At higit sa lahat, hindi natin masusukat ang Kanyang kapangyarihang ibigin tayo nang lubos. Ang love ni Lord ay tunay na unconditional at immeasurable at ito rin ang imbitasyon Niya sating mga anak na umiibig sa Kanya dito sa mundo ngayon, sa hinaharap, at maging sa kabilang buhay.
Babaran:
Para Sa 'Yo
Verse 1
Ang puso ko ngayo’y nagagalak
Pumapalakpak at pumapadyak
Sapagkat aking natitiyak
Ang pag-ibig Mo’y mananatili
Verse 2
Noon, ngayon, sa hinaharap
Lungkot o ligaya, sa sakit, sa hirap
Kahit na ano pang maganap
Hindi mahihiwalay sa Iyo
Pre-Chorus
Pag-ibig Mo'y di magbabago
Kailanma’y hindi maglalaho
Malawak, mataas, malalim
Walang pagsidlan ang saya na nadarama ko
Chorus
O Panginoon, maraming salamat
Ang buhay ko ngayo’y may kahulugan
Hindi ko mapigil ang aking damdamin
Sadyang sumisibol ang isang handog na awiting…
Papapapapuri
Papapapara sa'Yo
Papapapapuri
Tumugon:
Ano ang tinitibok ng iyong puso? Ano nga ba ang estado ng iyong relasyon sa Panginoon ngayon? Ikaw ba ay malungkot? Masaya? Puno ng problema? Lubos ang kagalakan? Puno ng sakit? Puno ng biyaya? Ang sitwasyon mo ba ay nakakaapekto sa pagpuri at pagmamahal mo sa Panginoon?
Kahit ikaw ay nasa itaas o ibaba ng gulong ng buhay at kahit ano pang mangyari, isang bagay ang mananatiling totoo at buhay. Ikaw ay mananahan sa pag-ibig ng Diyos dahil siya ay iyong Ama. Ito ang pag-ibig ni Kristo na hindi mapapantayan ang lawak, haba, lalim at taas ng mundo. Ikaw ay minamahal Niyang tunay. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili para makasama ka muli sa buhay na walang hanggan.