Pupurihin Ka

Devotional by Inna De Luna

Basahin:

2 Corinthians 5:14-19 (ASND)

14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila. 16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitignan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Diyos. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao;  binago na siya. 18 Ang lahat ng ito'y gawa ng Diyos na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya. 19 At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Diyos ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito.

Pagnilayan:

Bago natin nakilala ang Panginoon, lahat tayo ay may iba't ibang negatibong karanasan sa buhay: pagkapoot, kahinaan, problema at kasinungalingan. Dahil dito, tayo ay naging  makamundo at nawalan ng direksyon. Halos lahat tayo ay hindi kilala ang ating sarili at ang ating kaligayahan ay naka-angkla sa pagtanggap ng ibang tao o sa mga pangyayari. Hirap tayong makita na may Panginoon, o sadyang hindi talaga natin nararamdaman ang kabutihan Niya.

Ganyan ako noon. Sabi nga ng isang linya sa Pupurihin Ka, "O, ang buhay ko, dati'y gulong gulo. At ang puso ko'y sadyang napakalayo". Kung makikilala ninyo ako noon, hindi biro ang aking pinagdaanan. Wala din akong direksyon at hindi kilala ang sarili. Hindi ko alam noon kung bakit, pero ang aking pagkatao noon ay nakadepende sa paniniwala sa ibang tao — puno ng kasinungalingan at kamunduhan.

Hanggang dumating ang isang araw, isang pagkakataon, ay nakilala ko ang Panginoong Hesus noong 2012. Simula noon ay patuloy akong nagbago at nakilala ang aking sarili.

Mahirap man ang ating dinanas, ang pagmamahal at ang kabutihan ng Diyos ay laging nandiyan para sa atin. Naniniwala ako na pag Siya ay iyong tinanggap ng buong-buo, kahit saan o kahit ano man ang pinagdaanan mo ay hindi ka Niya pababayaan. “Sa Iyo Hesus, nagbago ang lahat, sa pag-ibig Mo at wagas Mong kabutihan”. Ang poot ay magiging pagmamahal, ang kahinaan ay magiging kalakasan, ang mga problema ay masosolusyunan, at ang mga kasinungalingan ay babalutin ng katotohanan na ang Diyos lamang ang makapupuno sa ano man ang kulang.

Dito nagmula ang Pupurihin Ka. Sa kabila ng lahat ng nangyari ay wala akong ibang iniisip kundi ang purihin ang Panginoon. Tinanggap Niya tayo kahit di tayo katanggap-tanggap. Binago niya tayo kahit pakiramdam natin ay wala nang pag-asa sapagkat, "Ang sinumang na kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. (2 Corinthians 5:17).

Ito ang katotohanang pinanghahawakan ko — buhay ang Diyos! Papawiin Niya ang lahat ng bahid ng nakaraan. Yayakapin ka Niya ng buong-buo. Babaguhin ka Niya. Buksan mo lang ang iyong puso at isipan.

Habang inyong binabasa ang 2 Corinthians 5:14-19, nawa’y maramdaman ninyo ang pagmamahal ng Panginoon at muli ay makabalik sa Kanya.

Babaran:

Pupurihin Ka

Verse 1

O, ang buhay ko dati’y gulong-gulo

At ang puso ko’y sadyang napakalayo

Sa Iyo, Hesus, nagbago ang lahat

Sa pag-ibig Mo at wagas Mong kabutihan

Pre-Chorus

Ako ngayo’y lumalapit

Ito ang alay kong awit

Chorus

Pupurihin Ka, walang hanggang pipiliin Ka

Ito ang tanging hangarin, Pag-ibig Mo ang maghari

Verse 2

O, sa piling Mo, ako ay nagagalak

Buhay ay nabago ng pagmamahal Mong wagas

Magpuri’t umawit, karapat-dapat ibalik

Iyong karangalan, lahat ng kaluwalhatian

Bridge

Bawat pintig ng puso ko

Sa ‘Yo lamang, Panginoon

Aking tinig ay itataas

Ngayo’y lumalapit

Tumugon:

Ikaw pa rin ba ay nakagapos sa iyong sa nakaraan? Sa oras na ito, ano ang naririnig mo mula sa Panginoon? Sa oras na ito ay isipin mo ano ang iyong kailangan isuko sa Panginoon. Ikaw ay muling lumapit sa Kanya at damhin ang muling kapatawaran at walang hanggang pag-ibig galing sa Kanya.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top