Devotional by Nathan Tolentino
Basahin:
Psalm 105:1-4 (ASND)
1 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo Siya! Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo Siya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng kamangha-mangha Niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang Kanyang banal na pangalan. Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa Kanya
Pagnilayan:
Halos two years na rin since nagsimula ang pandemya sa mundo. Maraming mga tao ang nawalan ng hanapbuhay at marami pa rin ang patuloy na nawawalan ng pag-asang mabuhay. Kumbaga, nariyan ang mga uncertainties sa karamihan. Nariyan ang usaping vaxxed at unvaxxed. Nariyan din ang usaping pulitika na magulo rin. Ang daming ingay na ang naririnig natin sa paligid.
Sa kabila ng mga ito, nasubukan na ba natin na maupo lamang sa isang tabi at magpasalamat sa Diyos sapagkat tayo ay nananatiling buhay? Tayo ba ay tumatahimik at iniisip na mabuti ang Panginoon? Tayo ba ay nag-buntonghininga man lang ng, “Hay, salamat po, aming Ama na nasa langit”?
Habang sinusulat ko ang mga lines ng kantang Sigaw Ng Puso, ang tanging nasa isip ko lamang ay, “Grabe ang kabutihan ng Diyos”. Grabe ang pagmamahal Niya sa atin na sa kabila ng mga doubts natin sa Kanya ay nariyan lamang Siya sa tabi natin.
Maraming mga pagkakataon na akala natin ay iniwan na tayo ni Lord. Pero sabi ni Paul sa Book of Acts habang kausap niya ang mga taga Athens, “That they should seek God, and perhaps feel their way toward Him and find Him. Yet He is actually not far from each one of us, for ‘In Him we live and move and have our being” (Acts 17:27-28a ESV). (Basahin ang mga talata 22 hanggang 34 para sa buong konteksto). Tandaan natin na ang ating Diyos ay omnipresent. Siya ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng oras at lahat ng pagkakataon. Siya rin ay omniscient. Ang ibig sabihin ay naiintindihan Niya, nakikita Niya at kontrolado Niya ang mga pangyayari sa paligid natin kaya wala tayong dapat ikabahala. Nararapat lamang na ituon natin sa Kanya ang ating pananalig at pagsamba. At dahil overwhelming talaga ang pagmamahal Niya sa atin, malamang wala na tayong ibang response kundi magworship sa Kanya. At saka ikararangal natin ang Kanyang kadakilaan. Isi-share din natin ang Kanyang kabutihan at kadakilaan.
Babaran:
Sigaw ng Puso
Verse 1
Nais kong mabatid
Ang nilalaman ng ‘Yong isip
Sa Iyo’y mapalapit
Iyan ang natatangi kong nais
Verse 2
Bawat araw ng buhay
Sa ‘Yo Panginoon ibibigay
Salita Mo’y aking gabay
Liwanag ko sa aking landas
Chorus
Sigaw ng aking puso
Banal Mong pangalan, Hesus
Ang ‘Yong kadakilaan
Ihahayag ko sa buong mundo
Verse 3
Nais kong marinig
Ang tinitibok ng ‘Yong puso
Hindi ako aalis
Ikaw ang natatangi kong nais
Verse 4
Hindi ako mapalagay
Hangga’t hindi ko hawak ang Iyong kamay
Ikaw ang nagbibigay
Sa akin ng pag-asa at lakas
Bridge
Yahweh, Yahweh
Purihin si Yahweh
Ikaw ang sigaw ng aking puso
Ale-luya
Sambahin si Yahweh
Ikaw ang sigaw ng aking puso
Tumugon:
Kung narinig mo ang kanta or mabasa ang lyrics ng kanta ngunit hindi ka pa sigurado sa pananalig mo sa Panginoon, maaari lamang na isuko mo ang iyong buhay sa Kanya at tanggapin si Hesus bilang iyong sariling Panginoon at tagapagligtas. Kung ikaw naman ay isa nang believer, hinihikayat kita na maging salt and light sa mga taong nakapaligid sa iyo. Huwag kang mahihiya na isigaw sa mundo ang pag-ibig ni Kristo.